Paglagpas ng 24-oras na Hindi Pag-uwi sa isang Barangay, Isasailalim sa Quarantine

Cauayan City, Isabela- Pinabulaanan ni Barangay Kapitan Rolly Ordanza ng Luzon, Cabatuan ang impormasyon na mayroon umanong mga residente na nakasailalim sa quarantine sa kanyang barangay.

Sa eksklusibong panayam ng iFM Cauayan sa kapitan, lahat ng mga Locally Stranded Individuals ay tinitiyak nitong naidadala sa inilaang pasilidad para masigurong ligtas sa banta ng virus ang publiko.

Paliwanag pa nito, kapag isang residente sa kanilang barangay ay umalis para sadyain ang importanteng bagay at lumagpas sa 24-oras, pagbalik nito sa kanilang lugar ay maisasailalim sa quarantine.


Ilalagay sa social hall na katabi lamang ng munisipyo ang mga lalagpas sa itinakdang oras bilang bahagi ng paglaban sa pagkahawa sa posibleng sakit.

Samantala, iginiit nito na hindi tao kundi mga halaman lang ang naka-quarantine sa kanilang lugar maging sa iba pang kabahayan ng ilang mga residente.

Isa lamang si Kapitan Ordanza sa mga itinuturing na Plantitos dahil sa kanyang hilig ngayon sa pagtatanim ng halaman sa kanyang bakuran dahil sa pandemya.

Facebook Comments