Pinuri ni house committee on Labor Chairman at Rizal 4th District Rep. Fidel Nograles ang memorandum of agreement o MOA sa pagitan ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Sa ilalim ng MOA ay lalahok sa National Greening Program ang mga benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD program.
Binanggit ni Nograles na base sa MOA, ang TUPAD beneficiaries ay magsisilbing forest patrollers, makakatuwang din sila sa seedling production, establishing plantations at pagtulong sa forest protection activities.
Ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) naman at mga accredited training institution nito ang magbibigay sa TUPAD beneficiaries ng kailangang pagsasanay at kaalaman ukol sa mga batas at patakaran kaugnay sa kalikasan.
Diin ni Nograles, hindi boring at dead-end job ang nabanggit na bagong tungkukin ng TUPAD beneficiaries dahil marami rin silang matututunan ukol sa pangangalaga sa kalikasan na pwede nilang ibahagi sa kanilang pamilya at mga kaibigan.
Umaasa si Nograles na ang nasabing MOA sa pagitan ng DOLE at DENR ay paunang hakbang pa lang ng mga pagsisikap na mapasigla ang ating mga kagubatan at matugunan ang epekto ng climate change.