Umaapela ang grupong United Broilers and Raisers Association (UBRA) kay incoming President Bongbong Marcos na ideklara bilang national security concern ang papalugmok na agri-fisheries industry sa bansa.
Ito ang pahayag ng UBRA matapos desisyunan ni President-elect Marcos na siya na ang uupo bilang pansamantalang kalihim ng Department of Agriculture (DA).
Ayon kay UBRA President Atty. Bong Inciong, dapat ay ikasa agad ni President-elect Marcos, ang isang pagpupulong ng National Security Secretariat para maglabas ng report na magiging basehan ng national security council tungkol dito.
Giit ng UBRA, hindi basta simpleng usapin lang ng presyo at komersyo ang lumalalang kalagayan ng agri-fisheries sa Pilipinas kundi isa na itong National Security Concern dahil sa hamon ng climate change at iba pang sigalot sa international supply chain.
Dahil dito, sinabi ni Inciong na kailangang buhayin ang Philippine Council on Agriculture and Fisheries (PCAF) – ang tanging consultative body na binuo para sa agri-fisheries na binuwag ni Secretary William Dar para daw siya lang ang tanging magdedesisyon para dito.
Giit ng UBRA, hindi makakamit ng bansa ang food sufficiency sa ilalim ng panunungkulan ni Kalihim Dar dahil sa kanyang ipinatutupad na Import Liberalization Policy.
Kahapon ay una nang nagpahayag ng pagkabahala si incoming President Marcos sa hinaharap ng food sufficiency sa bansa.
Batay aniya sa pagtaya ng mga economic managers, maaring makaranas ng food shortage at pagtaas ng presyo ng pagkain sa susunod na mga panahon.