Pabor si Senator JV Ejercito na mabigyan ng confidential fund ang Department of Information and Communications Technology (DICT).
Ayon kay Ejercito, ang mga hacker ngayon sa online o internet ang bagong kalaban na rin ngayon ng bansa.
Nais ng senador na bigyan ng alokasyon para sa sariling intelligence ang DICT lalo’t kahit sino ay maaaring mabiktima ng cyber-attacks kahit ang pamahalaan.
Matatandaang nangako rin si Senate President Juan Miguel Zubiri na magdadagdag ng pondo para sa intelligence funds ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at National Security Agency para palakasin ang cybersecurity sa pakikipagtulungan na rin sa DICT.
Samantala, kailangan namang mapangatwiranang mabuti ng Office of the Vice President at Department of Education (DepEd) kung bakit kailangan nito ng confidential fund sa susunod na taon.
Nais malaman ng senador kung saan gagamitin ang confidential fund partikular sa DepEd lalo’t kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na humina na ang insurgency at rebellion kaya wala na ring pwersa ng recruitment sa mga paaralan.