Iginiit ni AGRI Party-list Rep. Wilbert Lee ang kahalagahan na matugunan ang kakulangan ng post-harvest facilities na siyang dahilan ng mababang produksyon ng produktong agrikultural na nakakadagdag sa mataas na presyo ng pagkain.
Panawagan ito ni Lee makaraang idaing ng Kaakibat Provincial Cooperative Council sa pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food ang kakulangan ng post-harvest facilities tulad ng mga cold storage.
Sa pagdinig ay humingi ng tulong si Ramon Silverio, Chairman of the Kaakibat Provincial Cooperative Council, para makarating ng direkta sa merkado ang kanilang ani sa presyong itinakda nila na mas mababa.
Magugunitang sa nakaraang budget deliberation ay pinuna ni Lee ang mababang budget sa post-harvest facilities na dahilan kung bakit nasisira at nasasayang ang ani ng ating mga magsasaka.
Sabi ni Lee kung makarating man ito sa merkado ay mataas ang presyo dahil napakaraming dinadanaanan sa halip na direktang magmula sa mga magsasaka.
Bilang solusyon ay binigyang diin ni Lee, dapat aksyunan agad ng gobyerno at pahusayin ang farm to market linkages at palakasin ang post-harvest facilities.