Buo ang suporta ni Senator Sonny Angara sa isinusulong ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na stimulus package para sa mga labis na naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Diin ni Angara, malaki ang maitutulong ng stimulus package lalo na sa mga mahihirap na pamilya na nagdurusa dahil sa tumataas na presyo ng bilihin at epekto ng pandemya.
Kasabay nito ay iminungkahi ni Angara na balansehin ang paglalaan ng stimulus package at ang pagtugon sa ating malaking pagkakautang.
Paliwanag ni Angara, dapat natin itong harapin ng maayos dahil kung hindi ay tataas ang interes nito at lalong lalaki ang ating utang at sasama ang ating credit rating.
Importante rin ayon kay Angara na maiprayoridad ng gobyerno ang mga programa na para sa ikabubuti ng mamamayan tulad ng edukasyon, kalusugan, tulong pinansyal sa mga mahihirap at kinakailangang imprastruktura.
Suhestyon din ni Angara na pag-aralan ang freeze hiring o hindi muna pagkuha ng mga bagong empleyado sa pamahalaan.
Tiniyak ni Angara na kung siya muli ang magiging chairman ng Finance Committee ay magiging puspusan ang kanyang kooperasyon kay Marcos at sa gabinete nito para matiyak na mapopondohan ang mga programa at polisiya na mahalaga sa pagkakaloob ng serbisyo sa publiko.