Hindi na ikinagulat ng Palasyo ng Malacañang ang paglalabas ng Estados Unidos ng babala sa kanilang mga mamamayan na nandito sa Pilipinas na mag-ingat laban sa anumang banta ng terorismo o karahasan.
Matapos kasi ang nangyaring pagsabog sa Cotabato City noong nakaraang buwan ay naglabas ang Estados Unidos ng Amerika, United Kingdom, Canada at iba pang bansa ng travel advisory sa Pilipinas kung saan pinag-iingat ng ito ang kanilang mga mamamayan laban sa mga banta ng terorismo at pinaiiwas na magpunta sa Mindanao.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, normal naman ang ginagawa ng mga bansa sa paglalabas ng mga travel advisory dahil kailangang palagaan ng mga ito ang kapakanan at kaligtasan ng kanilang mga mamamayan.
Hindi din naman aniya ito ikinasasama ng loob ng pamahalaan dahil karapatan ito ng mga bansa lalo pa at mayroon silang mga kababayan na nandito sa Pilipinas.
Pero binigyang diin din naman ni Panelo na naniniwala sila sa naging pahayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ligtas na bumiyahe sa Mindanao.
Matatandaan na hanggang sa ngayon ay umiiral pa rin ang batas militar sa buong Mindanao.