Paglalagay ng CCTV sa mga presinto at detention facilities, planong isulong sa Senado

Planong isulong ni Senator Raffy Tulfo ang pagkakabit ng mga CCTV sa mga presinto at detention facilities.

Sa privilege speech ni Tulfo, tinukoy nito na maraming paglabag sa karapatang pantao na nangyayari sa mga presinto kahit pa kaaaresto lang o inimbitahan pa lang ang mga pinaghihinalaang suspek o “persons of interest”.

Naniniwala ang senador na kung maglalagay ng CCTV sa mga presinto at detention facilities ay mapipigilan ang mga pangaabuso tulad ng pambubugbog sa mga naaaresto.


Bukod dito, matitigil din ang pagpasok ng mga hindi otorisadong indibidwal sa presinto at mahihinto rin ang pagpasok ng mga kontrabado sa mga kulungan tulad ng iligal na droga.

Dagdag pa rito ay mababantayan at maiiwasan ang pagpapalusot o pagpapatakas sa mga detainees na may padrino ng mga “officer-in-charge” sa presinto.

Siniguro pa ni Tulfo na sa susunod na budget deliberation ay tututukan niya ang pondo ng Philippine National Police (PNP) para matiyak na may sapat na budget para sa maayos na implementasyon ng batas.

Facebook Comments