Paglalagay ng drive-thru vaccination sa mga LGUs, hiniling ng isang kongresista

Umapela si Assistant Majority Leader at Quezon City Rep. Precious Hipolito-Castelo sa Department of Health (DOH) na payagan ang drive-thru vaccination sa mga Local Government Units (LGUs).

Ginawa ni Hipolito-Castelo ang panawagan sa gitna na rin ng inaasahang sunod-sunod na pagdating ng doses ng COVID-19 vaccines sa bansa.

Naniniwala si Castelo na ang drive-thru vaccination ay magpapabilis sa inoculation laban sa nakamamatay na COVID-19 disease.


Iginiit ng kongresista na ang nakakaalarmang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa ay kailangang tumbasan ng mas agresibong vaccination drive lalo na sa oras na dumating na ang maraming bakuna sa bansa.

Makakatulong aniya ang drive-thru vaccination sites para mahikayat ang mga Pilipinong nag-aalangan na magpunta at magpabakuna sa mga inoculation centers dahil sa takot na mahawa ng virus.

Makakaluwag din aniya ang pagkakaroon ng drive-thru vaccination para maiwasan ang overcrowding at problema sa parking sa mga vaccination centers.

Facebook Comments