Hindi sang-ayon ang Department of Health (DOH) Region 7 sa plano ng lokal na pamahalaan ng Cebu City na maghanda ng isang mass grave site sakaling magtuloy-tuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Sa ulat ng DYHP RMN Cebu, sinabi ni Konsehal David Tumulak na magiging opsyon lamang nila ito sakaling hindi na kayanin ng mga punerarya at crematory ang pagtanggap ng mga bangkay dahil sa dami ng namamatay bunsod ng COVID-19.
Sa interview naman ng RMN Manila, sinabi ni DOH-7 Chief Pathologist Dr. Mary Jean Loreche na sa ilalim ng Sanitation Code of the Philippines, dapat na i-cremate ang mga labi na namatay dahil sa nakakahawang sakit.
Aminado naman si Loreche na punuan na ang mga ospital sa Cebu.
Hindi kasi aniya makapag-expand ng COVID-19 bed capacity ang mga ospital sa lungsod dahil na rin sa kakulangan ng manpower.
Kaugnay nito, ibabalik ng ahensya ang kanilang mga temporary treatment and monitoring facility para magamit ng mga mild at asymptomatic COVID-19 patients.