Paglalagay ng registration satellites sa bawat barangay, iminungkahi ng isang kongresista

Inirekomenda ni Assistant Majority Leader Fidel Nograles sa Commission on Elections (COMELEC) na ikonsidera ang paglalagay ng barangay registration satellites para mahikayat ang mga Pilipino na magparehistro sa nalalapit na 2022 national election.

Paliwanag ni Nograles, isang magandang solusyon ang pagtatatag ng barangay registration satellites lalo na sa mga taong nag-aalangan pang lumabas ng mga tahanan at bumyahe sa pampublikong transportasyon dahil pa rin sa takot na mahawa ng COVID-19.

Kaakibat naman ng paglalagay ng registration satellites sa mga barangay ay ang pagkakaroon ng information dissemination campaign upang malaman ng mga tao na inilapit na sa kanila ang voter registration.


Samantala, umaapela naman si Nograles sa mga eligible voter partikular sa mga kabataan na magparehistro na para sa 2022 elections.

Ngayon kasi ay naitala ang mababang bilang ng mga nagparehistro para sa 2022 presidential elections na aabot lamang sa 1.17 million na mga Pilipino, malayo ito sa target na 4 milyong unregistered voter.

Bukod sa mga hindi pa rehistradong botante ay hinihimok din ng mambabatas na i-reactivate ng 7 million na deactivated voter ang kanilang registration matapos na maalis sa listahan dahil hindi nakaboto sa dalawang magkasunod na halalan.

Facebook Comments