Paglalagay ng timbangan ng bayan sa lahat ng pamilihan sa bansa, lusot na sa ikalawang pagbasa

Aprubado na sa ikalawang pagbasa ang House Bill 3255 o ang pagtatatag ng timbangan ng bayan sa lahat ng mga pamilihan sa buong bansa.

Sa viva voce voting ay nakalusot ang “Timbangan ng Bayan Centers” na layong mabigyan ang publiko na pamamaraan na matiyak na tama ang timbang ng biniling produkto at upang maiwasan din ang panloloko ng mga tindero at tindera sa palengke.

Sa panukala ay binibigyang mandato ang lahat ng Local Government Units na maglagay ng “Timbangan ng Bayan” sa lahat ng pamilihan, public man o private, malaki man o maliit na palengke o kaya ay tiangge.


Ang market supervisor naman ang siyang in-charge sa maintenance at safekeeping ng timbangan at siya ring magtatala ng record ng mga produktong kinulang sa timbang.

Paparusahan naman ang mga vendor na mapapatunayang nagbenta ng produkto na kulang sa timbang gayundin ang sinumang mag-vandalize, mag-tamper o sisira sa timbangan ng bayan.

Itinataas din ang penalty sa ilalim ng Consumer Act laban sa mga lalabag na hindi bababa ng P50,000 at hindi naman tataas ng P300,000 at pagkakabilanggo ng isa hanggang limang taon.

Facebook Comments