Sunday, January 25, 2026

Paglalatag ng budget ng DPWH sa mga susunod na taon, magkakaroon ng mga pagbabago

Tiniyak ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na patuloy silang gumagawa ng paraan para maisaayos ang framework sa paglalatag ng mga budget ng kagawaran sa mga susunod na taon.

Sa isang forum, sinabi ni DPWH Secretary Vince Dizon na hindi na gagamitin ang formula ng yumaong si dating Undersecretary Catalina Cabral na mayroong mga allocable at non-allocable na tinatawag sa pondo.

Ayon kay Dizon, bagama’t dati nang polisiya ng gobyerno ang pagtukoy sa prayoridad na infrastructure projects bilang polisiya ay hindi naman nagiging consistent ang implementasyon nito.

Sa ngayon at isinasapinal na aniya ang bago at mas simple na budgeting at infrastructure budget allocation framework na mula sa konsultasyon sa civil society groups, pribadong sektor at business organizations.

Sakaling mabuo ay ipepresinta ito kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at sa Department of Budget and Management para maaprubahan.

Una na ring sinabi ni Navotas Rep. Toby Tiangco sa kaparehong forum na handa siyang magsilbing sponsor ng panukala para sa paglalatag ng framework sa budgeting process.

Facebook Comments