Nagbabala ang isang consumers’ group ng posibleng pagdami ng mga Pilipinong makararanas ng gutom.
Sa harap ito ng badyang hanggang limang pisong taas-presyo sa kada kilo ng bigas sa susunod na linggo.
Ayon kay Cathy Estavillo, tagapagsalita ng Bantay Bigas, nakalulungkot na tila nauulit ang nangyari noong 2018 kung saan sumipa ng hanggang animnapung piso ang presyo ng bigas.
“Nakakagalit, nakakalungkot ‘no, dahil yung nangyayari ngayon ay parang nauulit yung nangyari noong 2018 kung saan umabot sa 60, 70 yung presyo ng bigas nung nagkaroon ng artificial rice shortage, kung kaya’t naisabatas yung R.A. 11203 o yung Rice Liberalization Law na nangakong ibababa hanggang P25 ang per kilo ng bigas,” giit ni Estavillo sa panayam ng DZXL.
“E ngayon, eto na yung nangyayari, yung laging pangako ni PBBM na malapit na yung attainment ng P20 per kilo e mukhang milya-milya ang layo nito,” dagdag niya.
Binatikos din ni Estavillo ang Department of Agriculture (DA) na siya pang nag-aanunsyo at nagbibigay-katwiran sa posibleng taas-presyo sa halip na mag-imbestiga at gumawa ng aksyon.
“Yung mga importers ang talagang kumikita sa mga ganitong especulations at nakakalungkot nga na walang ginagawa ang gobyerno. Wala siyang price control, wala siyang ngipin para pigilan yung mga ganitong tumataas na presyo ng pangunahing pagkain ng mamamayang Pilipino. Kaya mai-imagine natin na kung aabot ng 19 million Filipinos yung nagsabi na gutom sila, how much more kung ito na yung presyo?” punto pa ni Estavillo.
Sa huli, muling nanawagan ang grupo sa gobyerno na palakasin ang lokal na industriya ng pagkain sa halip na tangkilin ang importasyon na lalong nagpapahirap sa mga Pilipino.