Nakalusot na sa House Committee on Health ang panukala na lilikha ng Philippine Centers for Disease Prevention and Control (CDPC) para labanan ang mga communicable disease o nakahahawang sakit.
Binigyang diin ni Committee Chairperson at Quezon Rep. Angelina “Helen” Tan na ang pagpapatibay ng komite sa substitute bill para sa paglikha ng CDPC ay kailangan ng bansa, lalo pa’t nakita na kulang sa kahandaan ang bansa sa mga hamong dala ng COVID-19 pandemic.
Layunin ng panukala na i-modernize ang kahandaan ng bansa sa public health emergency at palakasin ang mga ahensya na may mandatong tugunan ang mga communicable disease sa bansa sa pamamagitan ng organizational at institutional reforms.
Partikular na ipinasasailalim sa reporma ang recruitment, training, employment at pangangasiwa ng bansa sa public health emergency personnel.
Isasailalim rin sa pagbabago ang mga mahahalagang programa para sa pagkakaroon at pag-upgrade ng teknolohiya, laboratoryo, at mga kagamitan.
Kasama rin sa reporma ang relokasyon, improvement at pagtatayo ng mga pasilidad para sa pagpapahusay ng kahandaan at pagtugon sa lahat ng uri ng public health emergencies.
Sa oras na maging ganap na batas ay magsisilbing attached agency ng Department of Health (DOH) ang CDPC at ito naman ang tatayong principal agency para sa pag-develop at pag-apply ng mga insiyatibo para maiwasan at makontrol ang mga nakahahawang sakit.