Inihayag ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na pinamamadali na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang paglikha ng ahensiya na mangangasiwa sa suplay ng tubig sa buong bansa.
Sa pagdinig para sa panukalang paglikha ng Department of Water Resources, sinabi ni DENR Undersecretary Carlos Primo David na pinamamadali na ng pangulo ang paglikha ng isang water authority.
Aniya, panahon na para ma-consolidate o ma-streamline ang maraming ahensya na nangangasiwa sa pagsusuplay ng tubig.
Ikinalugod naman ni Senate Committee on Public Services Chairperson Grace Poe ang pagsuporta ng pangulo sa pagkakaroon ng kagawarang tututok sa regulasyon ng suplay ng tubig.
Iginiit ni Poe na sa ngayon, maraming ahensyang nangangasiwa sa water supply at water resources lalo’t napapaligiran ang bansa ng tubig pero palagi ring problema ang kakapusan sa suplay ng tubig.
Target naman ni Poe na sa Hulyo ay matalakay na ang panukala sa plenaryo.