Paglikha ng halos 3-M bagong trabaho pagsapit ng 2028, tiniyak ni PBBM

Kumpiyansa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na lilikha ng halos tatlong milyong bagong trabaho ang programang Trabaho Para sa Bayan (TPB) bago sumapit ang 2028.

Sa pagdalo ng pangulo sa 2024 National Employment Summit sa Maynila, sinabi nito na magsisilbing gabay ang TPB para makalikha ng mas dekalidad na trabaho sa bansa sa susunod na 10 taon.

Bukod dito, layon din ng pamahalaan na sumentro ang programa sa kapakanan at seguridad ng mga manggagawa.


“Beyond generating employment, what we want to achieve is creating quality jobs, with special emphasis on ensuring workers’ welfare, empowerment, competitiveness and security in all sectors of our labor sector.”

Dagdag pa ng pangulo, ito aniya ang dahilan kung bakit sinisikap ng gobyerno na matugunan ang kawalan at kakulangan ng trabaho gayundin ang job-skills mismatch.

Kaugnay nito, hinikayat ni Pangulong Marcos ang mga mamumuhunan sa bansa na tumulong sa pagpapayabong sa kakayahanan ng mga manggagawa bilang suporta sa layunin ng nasabing programa.

Facebook Comments