Paglikha ng hiwalay na ahensyang tututok sa mga aksidente sa karagatan, pinamamadali ng isang kongresista

Iginiit ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon na napapanahon na para likhain ang Philippine Transportation Safety Board (PTSB).

Kasunod ito ng pagkasunog ng roro vessel na MV Mercraft 2 sa karagatang bahagi ng Real, Quezon kung saan pito ang nasawi at 24 ang sugatan.

Tinukoy ng kongresista na noong 1999, mismong ang Board of Marine Inquiry (BMI) ang nagrekomenda ng pagbuo ng National Transportation Safety Commission, isang hiwalay na ahensya ng gobyerno na magsusulong ng kaligtasan sa transportasyon at magsasagawa ng hiwalay na imbestigasyon sa mga nangyayaring aksidente sa karagatan.


Ang BMI ang siyang nagsiyasat sa mga naganap noong maritime accidents tulad ng paglubog ng mga barkong Sulpicio Lines’, MV Princess of the Orient at MV Princess of the Stars.

Sinabi pa ni Biazon na 19 na taon na ang lumipas o noon pang 12th Congress ay inihain niya na ang panukala na paglikha ng PTSB batay na rin sa naging rekomendasyon noon ng BMI.

Ngayong 18th Congress ay malapit nang mapagtibay ang panukala na nasa bicameral conference committee at tanging problema na lamang ay pagkasunduin ang mga magkakaibang probisyon ng parehong Senate at House version.

Facebook Comments