Thursday, March 26, 2026

Paglikha ng mga co-located offices at pag-integrate ng National ID sa pag-avail ng serbisyong medikal, inilunsad ng PhilHealth at PSA

Mas pinalakas pa ang proteksyon ng mga miyembro ng PhilHealth upang maiwasang mabiktima ng identity theft at maiwasang magamit ang pondo nito sa fraudulent claims o pekeng mga benepisyaryo.

Ito’y matapos lumagda ng Memorandum of Agreement (MOA) ang PhilHealth at Philippine Statistics Authority (PSA) upang imodernisa ang mga sistema at protektahan ang benepisyo ng mga miyembro.

Sa pamamagitan ng PhilHealth Check Utility, mabeberipika na in real time ang mga identity, makapagma-match ng biometrics, at pagma-match ng records ng mga mag-a-avail ng PhilHealth benefits.

Ayon kay PhilHealth President at CEO Edwin Mercado, layon nitong padaliin ang sistema para sa kanilang mga miyembro na mangangailangan ng serbisyong medikal.

Nakaangkla aniya ito sa nais ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gawing digital ang lahat ng transaksiyon sa mga tanggapan ng pamahalaan.

Sa pamamagitan nito, madali nang matukoy ang datos ng mga miyembro ng state health insurer dahil synchronized na ito sa mga datos ng PSA.

Dahil dito, mapadadali na rin ang pagkuha ng benepisyo ng mga miyembro ng PhilHealth sa ilalim ng Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP) at GAMOT benefit package.

Ayon naman kay National Statistician at Undersecretary Dennis Mapa, nasa 95–115 million na ang rehistradong Pilipino sa Philippine Identification System (PhilSys).

May mga co-located office o 18 regional office at 120 local health office, kung saan ang PhilSys registration ay handang mag-register ng mga hindi pa rehistradong Pilipino para sa National ID.

Facebook Comments