Muling iginiit ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang pagsusulong sa paglikha ng special economic zone sa lalawigan ng Bulacan na layong makaengganyo ng mga dayuhang mamumuhunan at maka-complement sa malapit nang matapos na airport sa labas ng Metro Manila.
Sinabi ni Zubiri sa pagdinig ng Senate Committee on Economic Affairs na muli niyang inihain ang Senate Bill 2266 o An Act Establishing the Bulacan Airport City Special Economic Zone and Freeport dahil ito ay magsusulong ng economic development sa pamamagitan ng paghimok sa mga manufacturers ng iba’t ibang industriya na magtayo ng kanilang pasilidad sa lugar.
Naniniwala ang Senate President na ito ay kumakatawan sa pananaw ng comprehensive development at inclusive growth sa mismong probinsya ng Bulacan gayundin sa mga kalapit na lugar.
Tiwala ang senador na susunod na uusbong ng mga ecozones sa Bulacan tulad na lamang sa nangyari sa ecozones sa Clark sa Pampanga at sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) sa Olongapo.
Bagamat ito ay naunang na-veto ng Pangulo, sinabi ni Zubiri na nananatili itong mahalaga para sa paghahatid ng infrastructure development, makahikayat ng mamumuhunan at makalikha ng trabaho sa lugar.