Paglikha sa DWRM, dapat madaliin para mapigilan ang $124-B na pinsala o pagkalugi ng Pilipinas

Umapela si Agri party-list Rep. Wilbert Lee sa liderato ng Kamara na tutukan ang House Bill No. 2880 o panukalang paglikha sa Department of Water Resources Management (DWRM).

Ayon kay Lee, makatutulong ito na maiwasan ang tinatayang $124 billion na pinsala o pagkalugi ng Pilipinas hanggang sa taong 2050 dahil sa water-related risks, tulad ng paghagupit ng malalakas na bagyo, matinding pagbaha at mahabang panahon ng tagtuyot.

Sinabi ni Lee na sa ngayon ay mayroong 32 na iba’t ibang sangay ng gobyerno ang namamahala sa water resources ng bansa.


Subalit diin ni Lee, sa kabila nito ay mababa pa rin ang ranggo ng Pilipinas sa nakaraang water governance ranking ng Asian Development Bank (ADB).

Ang panukalang DWRM na inihain ni Lee ay kabilang sa 19 priority measures na tinukoy ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na nais ng administrasyon nito na agarang maaprubahan ng Senado at Lower House.

Base sa panukala ni Lee, ang itatatag na DWRM ang siyang magiging responsable sa pag-develop at pagpapatupad ng comprehensive water usage and conservation program ng bansa.

Giit ni Lee, hindi maaaring ipagpaliban pa ang pagtataguyod ng naturang departamentong para na rin maitama ang watak-watak at hindi epektibong pamamahala sa water resources ng bansa na kailangang maresolba sa lalong madaling panahon.

Facebook Comments