Manila, Philippines – Pansamantalang itinigil ng Manila North at South Cemetery ang paglilibing mula October 29 hanggang November 2.
Ipagbabawal na rin ang pagpasok ng lahat ng uri ng sasakyan simula alas-6 ng gabi ng Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2.
Kahapon rin itinakda ang huling araw ng paglilinis at pagpipintura ng mga puntod.
Mahigpit na ipagbabawal din ang pagdadala ng baril o anumang matutulis na bagay tulad ng kutsilyo, screw driver at iba pa.
Bawal din ang pagdadala ng mga alagang hayop, mga bagay na maingay tulad ng gitara at mga flammable na bagay tulad ng thinner.
Hindi rin maaaring ipasok ang mga inuming nakakalasing, mga bagay na may kinalaman sa pagsusugal at pagsusunog ng basura sa loob ng sementeryo.
Balik naman sa Nobyembre 3 ang normal na operasyon ng sementeryo.