Paglilimita sa singil at pagbibigay ng discount sa OFW remittance fees, lusot na sa komite ng Kamara

Inaprubahan na ng House Committee on Workers Affairs ang panukalang batas na layong limitahan ang singil at bigyan ng diskwento ang ipinapadalang remittances ng mga OFWs.

Sa ipinasang House Bill 826 o Overseas Filipino Workers Remittance Protection Act na iniakda ni Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr., inaatasan ang mga financial at non-bank financial intermediaries na otomatikong magpataw ng 50% discount na service fee sa money remittances anuman ang halaga nito.

Nakasaad din sa panukala na maaaring i-claim ng mga financial at non-bank institutions ang diskwentong ibinigay sa OFW remittances bilang kaltas sa buwis dahil ituturing itong mahalagang gastusin na ibabawas sa kanilang kabuuang kita sa isang taon.


Hindi naman dapat lalagpas sa ₱24,000 kada OFW ang ibabawas sa gross income ng mga establisyimentong nagbibigay ng discounts sa remittance fees sa bawat taxable year.

Ipinagbabawal din ang biglang pagtataas sa singil ng remittance charges sa lahat ng mga financial at non-bank intermediaries lalo na kung ito ay hindi dumaan sa konsultasyon ng Department of Finance (DOF), Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), at Philippine Overseas Employment Administration (POEA).

Facebook Comments