Naniniwala ang pamunuan ng Pasig City government na para sa malinis na barangay, dengue goodbye.
Ito ang sisikaping makamit ng Pasig Local Government Unit (LGU) ngayong pumasok na ang panahon ng tag-ulan.
Sa ilalim ng Oplan Kaayusan na proyekto ni Pasig Mayor Vico Sotto, isa-isang sinusuyod ng binuong Pasig Dengue Task Force ang mga komunidad para linisin nang sa gayon ay masugpo ang dengue.
Ayon sa Pasig LGU nitong weekend lang, nagsagawa ng clearing operations ang Task Force sa N. Cuevas St., sa Barangay Kalawaan sa Pasig.
Paliwanag ng LGU, maliban sa paglilinis ng mga daluyan ng tubig, nilinis din nila ang mga basurang nakatambak sa gilid ng kalsada.
Dagdag pa ng Pasig City government na sa ngayon, patuloy ang pagpapalaganap sa Pasig ng 4S laban sa Dengue, ito ang:
• Search and destroy o pagsira sa breeding grounds na pwedeng pangitlugan ng lamok tulad ng mga drum, timba, mga bote, mga gulong at iba pang imbakan ng tubig.
• Self-protection measures tulad ng pag-iwas sa maikling kasuotan at paggamit ng mosquito repellant
• Seek early consultation o pagsangguni kung may lagnat na ng dalawang araw at may rashes sa balat, pa-check up na
• Support fogging
Samantala, sinabi naman ng Pasig Dengue Task Force na maaaring tumawag at mag-request ng fogging ang mga residente sa lungsod kung sa tingin nila ay delikado ito sa dengue.
Maaaring magpadala ng mensahe sa kanilang Pasig City Dengue page, ugnayan sa Pasig, o kaya naman ay tumawag sa hotline n 643-0000 para sa agarang aksyon.
Una nang nanawagan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa publiko ang mga lokal na pamahalaan na tumulong sa pagsugpo sa mgalamok na nagtataglay ng dengue.
Kasabay na rin yan ng National Dengue Awareness Month ngayong buwan ng Hunyo.