Nabawasan ang mga water hyacinth sa Pasig River sa bahagi ng Makati City matapos simulan ang clean-up drive ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kahapon.
Dahil sa low tide, inagos nang husto ang mga water lily.
Matatandaang pasado alas-10:00 ng umaga kahapon nang simulang tanggalin ang mga water lily sa Pasig River.
Una nang sinabi ni MMDA Assistant Secretary Celine Pialago na hindi nila masabi kung hanggang kailan ang kanilang paglilinis sa Pasig River.
Sinabi rin nito na may nabili naman na water lily harvester machine ngunit na-udlot ang pag-deliver nito dulot ng COVID-19 pandemic dahil gawa pa ito sa Canada at nakatakdang dumating sa bansa sa susunod na buwan o sa unang linggo ng Disyembre.
Aniya, ang mga makukuhang water hyacinth ay ibibigay sa Local Government Units (LGUs) at Non-Government Organization (NGOs) na mayroong mga programa na magagamit ang mga ito.