Balak ngayon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ilipat ang mga iligal na naninirahan sa mga bundok at gilid ng Cagayan River para sa kanilang kaligtasan tuwing bumabaha.
Ayon kay DENR Undersecretary Jonas Leones, natagpuan nila ang mga illegal settler makaraan silang magsagawa ng inspeksyon sa lupa at sa pamamagitan ng eroplano.
Paglilinaw naman ni Leones, hindi lang commercial logging kundi kaingin na rin ang problema sa mga kagubatan.
Pinuputol kasi ang mga kahoy at ginagawang sakahan ang mga lupa kasabay ng permanenteng paninirahan.
Samantala, sinabi naman ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade na kailangan na ring magkaroon ng dredging o paghuhukay sa mga mabababaw na parte ng ilog para mapigilan ang pagbaha tuwing may malakas na ulan.
Habang sinabi naman ni Dr. Fernando Siringan, dating direktor ng UP Marine Science Institute na kailangang mapalawak ang ilang parte ng Cagayan River para sa maayos na pagdaloy ng tubig-baha.
Matatandaang una nang nagbigay ng rekomendasyon ang Japan International Cooperation Agency na pagluluwang ngunit hanggang ngayon ay hindi pa naaaksyunan.