Provincial Police Chief ng Palawan, sinibak sa pwesto

167

Kinumpirma ng Police Regional Office IV-B o MIMAROPA ng Philippine National Police (PNP) ang pagsibak sa pwesto kay Palawan Provincial Police Office Director, Police Colonel (PCOL) Dionisio Bartolome.

Ayon kay MIMAROPA PNP Spokesman Police Lieutenant Colonel (PLTCOL) Imelda Tolentino, ito ay para bigyang daan ang imbestigasyong ikakasa sa harap na rin ng sunod-sunod na insidente ng pamamaril sa lalawigan.


Pinakahuli sa mga ito ang nangyaring pamamaslang kay Atty. Eric Jay Magcamit matapos tambangan ng hindi pa rin tukoy na salarin habang nagmamaneho ng kanyang sasakyan noong Martes, November 17.

Paliwanag ni Tolentino, papalit kay Bartolome bilang Hepe ng Palawan Provincial Police si Police Colonel (PCOL) Nicolas Torre III na siyang kasalukuyang Deputy Regional Director for Operations ng MIMAROPA PNP.

Dahil dito, itinalaga rin ni MIMAROPA PNP Director Police Brigadier General (PBGEN) Nicerio Obaob si Torre na pamunuan ang Special Investigation Task Group (SITG) Magcamit pero hindi pa rin aalisin dito si Bartolome upang makatulong mabilis na pagresolba sa kaso.

Facebook Comments