Hindi na bago ang pagtalon at lipatan ng partido ng ilang mga kongresista tuwing papasok ang bagong administrasyon at bagong Kongreso.
Kaya naman, inaasahan na sa pagpasok ng 19th Congress ay lilipat at sasapi sa LAKAS-CMD ang maraming mga kongresista.
Kung mababatid, si Majority Leader at Leyte Rep. Martin Romualdez ang sinusuportahan ngayon na susunod na House Speaker sa Mababang Kapulungan.
Siya rin ang presidente ng LAKAS-CMD Party at ang partido ang sumuporta rin sa binuong UniTeam nila President-elect Bongbong Marcos at Vice President-elect Sara Duterte.
Ayon kay LAKAS-CMD Secretary General at Zamboanga Sibugay Rep. Wilter Palma II, bukas ang kanilang partido na tanggapin ang mga kongresista na sumapi sa kanila.
Binigyang diin muli ng LAKAS-CMD ang kanilang suporta kay Romualdez na ihahalal bilang house speaker sa pagbubukas ng 19th congress.
Nauna rito ay pinagtibay ng LAKAS-CMD ang House Resolution no. 5 at pinagtibay ng executive committee na nag-e-endorso kay Romualdez sa pinakamataas na posisyon sa Kamara.