Mistulang isinisi ng National Research Council of the Philippines (NRCP) ng Department Of Science And Technology (DOST) sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na bumabalik sa bansa ang pagdami ng mga nagkakasakit ng cardiovascular at reproductive disease.
Sa ginanap na Techno Media Forum sa Quezon City, sinabi ni DOST Secretary Fortunato Dela Pena na batay sa isinagawang research ng NRCP, dumarami na ang bilang ng mga ofws na umuuwi na may dalang sakit na kung saan karamihan sa mga ito ay nagkakaroon ng problema sa cardiovascular at reproductive disease.
Karaniwan aniya sa mga ito ay may mga dalang sakit na tuberculosis, hepatitis, Sexually Transmitted Disease (STD) at ang pinaka malala ay ang pagkakaroon ng HIV/Aids.
Paliwanag pa ng opisyal, madalas na nagkakaroon ng HIV/Aids ay ang mga ofws na galing ng Middle East countries katulad ng Kuwait, Qatar, Saudi Arabia, United Arab Emirates, Bahrain, Israel, Lebanon at Jordan.
Base umano sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), may 2.3 milyong bilang na ng mga ofws (landbased) na nagta trabaho bilang mga household domestic workers, service workers (drivers, kitchen crew), technicians/electricians, plant/machine operators na kung saan marami sa mga ito ay nagkakaroon ng reproductive diseases na karaniwan sa mga kababaihan habang sa kalalakihan ay marami ang kaso ng digestive, cardiovascular diseases, urinary/excretory diseases, sensory system diseases, neurological at endoctrine diseases.
Gumawa ang NRCP na pag-aaral upang magkaroon ng batayan at ideya ang mga mambabatas upang makagawa rin ng mga batas at polisiya upang mabigyan ng karampatang proteksyon ang mga kababayang ofws.