Pagluluwag ng border restrictions sa bansa, pinag-aaralan na ng DOH

Pinag-aaralan na ng Department of Health (DOH) ang posibilidad ng pagluluwag ng border restrictions para sa mga dayuhang pupunta sa Pilipinas.

Ayon kay DOH Officer-in-Charge (OIC) Undersecretary Maria Rosario Vergeire, kaugnay ito ng derektiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mas luwagan na ang pagbubukas ng mga sektor at border restrictions sa bansa.

Pero, kakailanganin aniya ng ahensya na irebisa ang Executive Order 168 o ang panukalang batas na bumuo sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF).


Kabilang kasi sa mga tungkulin ng IATF na pigilan o bawasan ang pagpasok ng mga pinaghihinalaan o kumpirmadong pasyente na may Emerging Infectious Disease (EID) sa bansa.

Nilinaw naman ni Vergeire na sisiguruhin ng ahensya na magiging ligtas ang pagluluwag ng COVID-19 restrictions sa bansa para sa publiko, sakaling maaprubahan ito.

Matatandaang, pinahintulutan ng gobyerno nitong Pebrero ang pagpasok ng mga dayuhan sa bansa na may kaugnayan sa negosyo at turismo.

Facebook Comments