Hindi malayong magkaroon na ng pagluluwag sa quarantine classification sa National Capital Region (NCR) Plus sa susunod na linggo.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, tatalakayin ngayong hapon sa pulong ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang susunod na quarantine classification.
Batay aniya sa ipinakikitang datos o criteria na 2-week daily attack rate, at 2-week growth rate, may pagbaba na sa kaso ng COVID-19, habang ang hospital care utilization rate ay nasa low risk category na.
Ang mga kondisyong ito ayon kay Roque ang pinagbabatayan ng IATF para sa kanilang magiging rekomendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kasalukuyang datos aniya ay nakikitang maaari nang mai-relax ang quarantine restrictions subalit subject ito sa rekomendasyon ng mga alkalde at sa pinal na desisyon ni pangulong Duterte.
Posibleng si PRRD na ang mag anunsyo ng susunod na quarantine classification sa Lunes, May 31 sa regular ‘Talk to the People’ ng Pangulo.