Kinalampag ngayon ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang Department of Foreign Affairs (DFA) para magsagawa ng malalimang imbestigasyon.
Kaugnay ito sa pagmaltrato umano ni Philippine Ambassador to Brazil Marichu Mauro sa kanyang Filipina house helper.
Kung mapapatunayang guilty, nais ni Zubiri na matiyak na mapaparusahan si Ambassador Mauro dahil sa paglabag sa labor laws at Kasambahay Law.
Ayon kay Zubiri, hindi dapat palampasin ang akusasyon kay Mauro na suportado ng mga kumalat na video footage kung saan makikita ang magkakahiwalay na insidente ng pananakit nito sa kanyang kasambahay.
Dismayado si Zubiri dahil ang mga katulad ni Mauro ang dapat na nagbibigay proteksyon at tumitiyak sa maayos na kondisyon at kapakanan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) ang sya pang gumagawa ng masama sa mga kababayan natin.
Kaugnay nito ay pinuri naman ni Zubiri ang mabilis na aksyon ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin kung saan agad niyang ni-recall o pinabalik sa bansa si Ambassador Mauro.