Pagmamanman sa Bird Flu Patuloy sa Rehiyon Dos, Paghuli sa mga Migratory Birds Bawal Muna

Patuloy sa pagbabantay at hindi nagpapabaya ang Department of Agriculture Regional Field Office No. 02 (DA-RFO 02) upang patuloy na bird flu free ang buong lambak mg Cagayan.

Ito ang pahayag ng Kagawaran ng Agrikultura Rehiyon Dos sa pamamagitan ni Regional Executive Director Narciso A. Edillo sa lingguhang palatuntunan sa radyo na laan sa mga magsasaka sa pangobyernong istasyon ng Department of Agriculture.

Bilang tugon sa batikos na nagpapabaya ang Kagawaran ng Agrikultura sa kanilang gawain ay ipinaalala ang ginawang agarang hakbang ng pamahalaan noong kinumpirma ni Kalihim Emmanuel F. Piñol ang insidente ng bird flu sa Pampanga gaya ng pagbuhay sa Regional Avian Influenza Task Force at ang pagdadagdag ng mga taong magmamanman at paghihigpit sa mga checkpoints.


Inihayag ni Direktor Edillo na maayos ang pagkakatuwang ng DA-RFO 02 at Bureau of Animal Industry (BAI) sa mga gawaing pagbabantay sa mga checkpoints papasok ng Cagayan Valley.

Magpagayunpaman ay nagbabala sya na kung maari ay bawal muna ang paghuhuli ng ibon lalo na sa mga lugar na palaging binibisita ng mga migratory birds na sinasabing pinagmulan ng bird flu sa Pampanga.

Magugunitang lahat ng mga direktor ay nagtungo sa Pampanga noong Agosto 28, 2017 upang samahan si Pangulong Rodrigo Duterte , Kalihim Piñol at iba pang opisyales ng DA sa isang boodle fight na ang ulam ay manok na sinundan ng paghigop ng balut upang ipaalam sa taumbayan na ligtas kainin ang mga ito.

Si Regional Executive Director Narciso A. Edillo ay naitalaga noong Agosto 1, 2017 bilang Regional Executive Director ng pangrehiyong tanggapan ng Kagawaran ng Agrikultura kapalit ni dating Director Lucrecio Alviar.

Facebook Comments