Pagmumulta ng mga Hindi Nakakasama sa Paglilinis sa Marabulig 1, Cauayan City, Nilinaw!

*Cauayan City, Isabela- *Nilinaw ni Brgy. Kagawad Orlando Villa ng Marabulig 1, Cauayan City ang idinaing ng ilang residente sa lugar kaugnay sa umano’y pagmumulta ng mga hindi nakakasama sa kanilang paglilinis.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay Kag. Villa, boluntaryong kontribusyon na P300.00 ang kanilang kinukuha sa mga hindi nakakadalo sa bayanihan para sa paglilinis sa kanilang nasasakupan at napagkasunduan na anya ito ng mga residente kasama ang kanilang Brgy Kapitan na si Jaime Partido.

Paliwanag ni Kag. Villa, ang makukuhang kontribusyon ay mapupunta at idadagdag sa labor para sa kanilang ginagawang 100 meter road concreting dahil hindi anya sapat ang P200,000.00 na inilaang budget ng City Government.


Nakikipagtulungan pa rin anya ang kanilang barangay upang mapunan ang mga pangangailangan ng mga manggagawa gaya na lamang ng kanilang pagkain.

Paliwanag pa ni Kag. Villa, hindi nila magagawa ng maayos ang kanilang mga proyekto kung walang kooperasyon ang bawat mamamayan.

Samantala, kanilang inaasahan na mapabilang ang kanilang barangay sa paparangalan sa nalalapit na Gawagaway-yan Festival ng Lungsod ng Cauayan.

Facebook Comments