Pagmumulta sa mga manufacturers dahil sa mga nagkalat nilang produktong plastik, pinag-aaralan ng DENR

Target na mailabas sa lalong madaling panahon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang Implementing Rules and Regulation (IRR) sa pag-ban sa plastic straws at plastic stirrers sa bansa.

Ito ay matapos aprubahan ng National Solid Waste Management Commission ang pagban sa plastic straw at stirrer na kabilang sa listahan ng Non-Environmentally Acceptable Products (NEAP) sa ilalim ng Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni DENR-Solid Waste Management and Local Government Units Concerns Usec. Benny Antiporda na bagamat maliit na hakbang ito sa mahabang listihan ng NEAP, isa naman itong malaking tagumpay sa pagsunod sa RA 9003.


Bagamat aminado si Antiporda na tali ang kamay nila na tuluyang ipagbawal ang paggamit mga plastic products sa bansa, naghahanap sila ngayon ng paraan o sistema para obligahin ang mga manufacturers na linisin o pagmultahin sa mga nagkalat nilang produkto.

Una nang nanawagan ang environmental groups na isama na rin ang iba pang single-use plastic items sa ban katulad ng mga plastic bottles, mga sachet, packaging at iba pang katulad na produkto.

Facebook Comments