*Cauayan City, Isabela- *Tiniyak ng pamunuan ng Public Order and Safety Division o POSD Cauayan City na mananagot ang sinumang mapapatunayang may kagagawan ng pagkawala ng ilang piyesa ng isang motorsiklo na naimpound sa kanilang himpilan.
Sa eksklusibong panayam ng RMN Cauayan News kay Deputy Chief Antonio De Luna Jr. ng POSD Cauayan City, nakatakdang magsagawa ng malalimang pagsisiyasat ang kanyang pamunuan hinggil sa reklamo ng isang pastor dahil sa pagkasira ng naimpound na motorsiklo ng kanyang kaibigan na si Jestoni Sunday.
Una rito ay humingi ng tulong sa RMN Cauayan si Pastor Jomar Tayog ng Alicia, Isabela dahil napag-alaman lamang umano nila kahapon na may mga nawawalang piyesa sa motorsiklo ni Jestoni nang ito ay kanilang tubusin.
Ayon pa kay Deputy Chief De Luna Jr., ngayon lamang umano nagkaroon ng problema sa mga naimpound na mga motorsiklo kaya’t tiniyak ng kanyang pamunuan na may kasong kakaharapin ang sinumang matutukoy na salarin sa nasabing pagnanakaw sa mga piyesa ng motorsiklo.