Ipinagtanggol ni Health Secretary Francisco Duque III ang ginawang pagpapabakuna ni Pangulong Rodrigo Duterte gamit ang COVID-19 vaccine ng Sinopharm.
Ayon kay Secretary Duque ang ginawa ng Pangulo ay “by virtue” ng Compassionate Special Permit ng Food and Drug Administration (FDA) kung saan ito rin aniya ang permit na inisyu noon ng FDA para sa Sinopharm vaccines ng mga tauhan ng Presidential Security Group (PSG).
Paliwanag ng kalihim, ang desisyon ni Pangulong Duterte na magpabakuna ng Sinopharm vaccine ay batay umano sa prescription ng kanyang doktor.
Matatandaan na noon pa man ay binanggit na ng pangulo na mas gusto niya ang bakuna ng Sinopharm.
Umaasa ang kalihim na ang ginawang pagpapabakuna ng Pangulo ay malaking tulong upang mapalakas ang tiwala ng mga publiko sa COVID-19 vaccine kung saan, mismo umanong si Pangulong Duterte na ang may malaking kumpiyansa na ligtas at epektibo ang mga bakuna laban sa nakamamatay na virus.