Pinaiimbestigahan sa Kamara ang umano’y pagpabor ni Department of Energy (DOE) Asst. Sec. Rodentor Delola sa isang supplier ng kuryente sa Mindanao.
Sa House Resolution 2577 na inihain ni Rep. Teodoro Montoro, pinasisiyasat ang pagpabor ni Delola sa Western Mindanao Power Corp. (WMPC) na pagmamay-ari ng Aboitiz Group of Companies.
Napag-alaman na si Delola ay nagtrabaho sa Aboitiz Power Distribution Utility hanggang sa ito ay maitalaga bilang Asec sa DOE.
Dahil dito, kinakitaan ng ‘conflict of interest’ si Delola dahil pinili nito ang power company kung saan ito noon nagtatrabaho.
Hinikayat ng mambabatas ang House Committee on Energy at House Committee on Good Government and Public Accountability na imbestigahan ang isyu kung saan hindi dapat makunsinti ang ganitong sitwasyon at mapatawan ng parusa ang mga opisyal ng gobyerno na mapapatunayang gumagamit sa kanilang posisyon.