Pagpabor ng nakararaming Pilipino sa paglipat ng confidential funds, patunay na tama ang ginawa ng Kamara

Para kay House Deputy Majority Leader at Quezon City 3rd District Rep. Franz Pumaren, napatunayan ngayon na tama ang ginawa ng House of Representatives na ilipat ang confidential fund ng mga civilian agency sa mga ahensyang nagsusulong ng pambansang seguridad at nakatutok sa tensyon sa West Philippine Sea.

Pahayag ito ni Pumaren makaraang lumabas sa survey ng OCTA Research na 72 porsyento ng mga Pilipino ang nagsabi na may alam sila sa ginawang paglipat ng confidential funds ng Kamara at 57 porsyento sa mga ito ang pumabor sa naturang hakbang.

Tinukoy ni Pumaren na ayon sa survey, pinakamarami sa mga pumabor sa ginawa ng Kamara ay nasa Luzon, sumunod ang Metro Manila, Visayas at Mindanao.


Ayon kay Pumaren, sa nabanggit na survey, ay 14 na porsyento lamang ang nagpahayag ng pagtutol sa ginawa ng Kamara.

Kabuuang P1.23 bilyon na confidential fund ng mga civilian agency ang inilipat ng Kamara kung saan kasama ang Office of the Vice President at Department of Education na may kabuuang P650 milyong confidential fund sa ilalim ng panukalang 2024 budget.

Facebook Comments