Ikinagalak ng mga manggagawa sa pamahalaan ang inanunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang State of the Nationa Address o SONA na pagtataas ng sahod sa hanay ng mga kawani ng gobyerno.
Ayon kay Santiago Dasmariñas Jr., Presidente ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees o COURAGE, matagal na nilang inaasam na mapataas ang suweldo ng mga trabahador sa pampublikong sektor at katuparan sa pinangako noong panahon ng eleksiyon.
Ngunit sakali aniyang katulad lamang din ng Salary Standardization Law o SSL4, ng nakaraang Administrasyon ang ibibigay sa mga kawani ng gobyerno ay hindi sila mangingiming kontrahin ito.
Ang SSL4 aniya ay hindi patas sa mga lower-ranked employee at lower income earning sa hanay ng Local Government Units.
Lalo pa aniya at ang Salary Scheme ay ibinatay lamang sa market rates sa halip na sa itinatakda ng Saligang Batas na nagsasaad ng Social Justice Tenet.