Inihayag ni Muntinlupa Mayor Jaime Fresnedi na pinag-aaralan na ng pamahalaang lungsod ng Muntinlupa na palawigin pa ang Extreme Localized Community Quarantine (ELCQ) sa area ng Morning Breeze ng Barangay Alabang.
Ayon sa alkalde, plano nilang gawin itong dalawang linggong total lockdown upang matiyak na hindi na kakalat pa ang virus sa ibang lugar ng Muntinlupa City.
Matatandaan, nitong nakaraang araw nilagdaan ni Fresnedi ang Executive Order No. 19 Series of 2020 na nag-uutos sa pagpatupad ng ELCQ sa naturang lugar sa loob ng tatlong araw na nagsimula na nitong June 3, 2020.
Kung patuloy pa rin ang pagtaas ng kaso ng Coronavirus Diseases 2019 (COVID-19) sa area ng Morning Breeze, hindi umano magdadalawang isip si Mayor Fresnedi na palawigin ito.
Ang nasabing lugar ay mayroong 455 families nanakatira malapit sa Laguna de Bay kung saan meron ng 10 kaso ng COVID-19, tatlo sa kanila ang nakarekober.
Habang ang buong Barangay Alabang ay meron 32 indibidwal ang infected ng virus, dalawa sa kanila ang nasawi at 18 naman ang recoveries.
Samantala, ang lungsod ng Muntinlupa ay meron ng 243 confirmed cases ng virus, 32 rito ay nasawi habang 164 naman ang mga gumaling na sa sakit na dulot ng virus.