Agad nagpahayag ng pakikiramay ang Makabayan Bloc sa pamilya, kaibigan, at mga tagasuporta na naiwan ni dating Senator Rene Saguisag na anila’y mahigpit na tagapagtaguyod ng karapatang pantao at demokrasya sa Pilipinas.
Diin nina ACT Teachers Rep. France Castro, Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas at Kabataan Rep. Raoul Manuel, hindi matatawaran ang pagsusulong ni Saguisag ng katarungan at pagtatanggol sa karapatan ng mga Pilipino.
Tinukoy ng tatlong Makabayan solons ang nakaparaming political prisoners na ipinagtanggol ni Saguisag noong panahon ng Martial Law at at kapuri-puri din ang pagkontra nito sa Anti-Terror Law of 2020 gayundin sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) treaty.
Binanggit din ng tatlong mambabatas na isa si Saguisag sa Magnificent 12 na nagpalayas sa US bases sa Pilipinas kaya nakakalungkot na nataon ang pagpanaw nito sa pagsasagawa ngayon ng pinakamalaking US-Philippine military exercises sa ilalim ng Balikatan.
Ayon kina Castro, Brosas at Manuel, ang legacy ni Saguisag bilang human rights lawyer at public servant ay patuloy na magbibigay ng inspirasyon sa mga mga Pilipino para patuloy na ipaglaban ang makatarungan at patas na lipunan.