Matindi ang naging pagpalag ni Senator Pia Cayetano sa pagpapa-imbestiga ni Senator Risa Hontiveros sa pag-utang ng Bases Conversion and Development Authority o BCDA ng 9.5-billion pesos na ipinagpatayo ng sports facilities sa New Clark City na ginamit sa 2019 South East Asian Games.
Prangkang sinabi ni Cayetano, na bilang ina ng mga atleta ay hindi niya gusto ang pagkwestyon ni Hontiveros sa pagpapatayo ng sports facility na nagbibigay dignidad sa ating mga manlalaro.
Sabi pa ni Cayetano, nakakadismaya na nagagamit ang plenaryo ng Senado para sirain ang napakagandang proyekto na itinayo para pahalagahan ang sektor ng palakasan at bigyang pride ang mga atletang Pilipino.
Tanong pa ni Cayetano, hindi ba alam ni Hontiveros na nag-iyakan ang mga atleta nang makita ang world class na sports facility sa New Clark City dahil hindi na nila kailangang magtiyaga sa mga bulok na pasilidad.
Diin ni Cayetano, nakakahiya na ginagawan ng isyung pulitika ang isang world class na sports facility kaya baka wala ng mag-abala na magpatayo ng kahanga-hanga at matitinong infrastructure sa Pilipinas dahil palagi iisipin na may kalokohan.
Paliwanag naman ni Hontiveros, totoong maganda ang pasilidad pero hindi ito dahilan para balewalain ang mga batas.
Ipinunto pa ni Hontiveros na nahaharap na sa graft and corruption charges sa Ombudsman dahil dito sa BCDA President Vince Dizon.