Ipinanawagan na ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang tuluyang pagpapaalis sa mga POGO o Philippine Offshore Gaming Operators.
Giit ni Pimentel, hindi na kailangang magtagal pa ng POGO sa bansa dahil ito ay nagamit na ng mga kriminal at mga sindikato mula sa China.
Nagtataka naman ang senador dahil bawal ang POGO sa China pero dito sa bansa ay tinatanggap natin na ginagawang playground ang Pilipinas.
Tinukoy rito ang mga krimen na dulot ng POGO tulad ng kidnapping, abduction, pagpatay at human trafficking na kagagawan din ng mga Chinese nationals sa POGO na bumibiktima rin ng mga kapwa Chinese.
Bukod sa dumagdag pa ang krimen sa mga POGO sa alalahanin ng Philippine National Police (PNP) ay tinukoy pa na wala naman itong naibigay na trabaho para sa mga Pilipino dahil ang mga empleyado na ipinapasok sa POGO ay Chinese nationals din.
Hinamon ni Pimentel ang mayorya ng Kongreso na magpatibay ng batas para sa tuluyang pagbabawal ng POGO sa bansa at nakahanda ang minorya na suportahan ito.
Matatandaang maging si Finance Secretary Benjamin Diokno ay sinabi sa budget hearing ng Senado na dapat na itigil ang operasyon ng mga POGO dahil sa mga krimeng dulot nito, maliit na kita at napapasama ang reputasyon ng bansa.