Sisikapin ng bagong talagang kalihim ng Department of Agriculture (DA) na doblehin ang kita ng mga magsasaka at mga mangingisda sa loob ng susunod na limang taon.
Sa kaniyang kauna-unahang pulong balitaan kasabay ng pagsisimula ng kaniyang tungkulin bilang bagong DA chief, sinabi ni Agriculture Secretary William Dar na ito ang dalawang bagay na mahigpit na ipinaasikaso sa kaniya ni pangulong Duterte sa isinagawang Cabinet meeting kahapon.
Ayon kay Dar, target niya na pabilisin ang implementasyon ng Rice Competetiveness Enhancement Program sa ilalim ng Rice Tarrification program.
Ani Dar, upang matiyak ang paglarga ng agriculture modernization and industrialization sa bansa, magiging focus nila ang pagpapalakas sa exports ng mga agricultural products.
Dapat din aniya itong sabayan ng farm consolidation, roadmap development, at mga kinakailangang infra development.
Dahil mangangailangan ito ng malaki-laking budget, hinikayat ni Dar ang legislative branch na magpasa ng panukalang batas na nakasentro sa pagpapalakas ng agrikuktura.