Saturday, February 28, 2026

Pagpapababa ng income tax sa mga empleyado at manggagawa, itinutulak sa Senado

Isinusulong ni Senator Jinggoy Estrada na maibaba ang buwis sa kita ng mga manggagawa.

Sa Senate Bill 1685 na inihain ni Estrada, pinaaamyendahan ang Section 24 ng Republic Act No. 8424 o ang National Internal Revenue Code of 1997 para baguhin ang tax brackets na magsisimula sa 2027.

Layon ng panukala na tulungan ang mga manggagawa na makayanan ang patuloy na pagtaas sa gastusin araw-araw at maitaas ang take-home pay ng mga nasa low at middle-income earners.

Sa ilalim ng panukala, ang mga kumikita ng hanggang P500,000 o mas mababa pa sa kada taon ay hindi na pagbabayarin ng income tax habang ang mga kumikita ng higit sa P500,000 kada taon ay papatawan naman ng mas mababang buwis kumpara sa kasalukuyang rate.

Naniniwala si Estrada na kapag mas malaki ang natitira sa sahod, mas nakakagastos ang pamilya, mas umiikot ang ekonomiya at mas gumaganda ang kalidad ng buhay.

Facebook Comments