Pagpapababa sa income tax rates ng masa at mga nasa “middle class”, isinusulong sa Kamara

Hinihiling sa Kamara na maibaba ang “income tax rates” ng masa at mga nasa middle class.

Nakapaloob ito sa isinusulong na Tax Reform Act for the Masses and the Middle Class o TRAMM, na inihain ng mga miyembro ng Makabayan Bloc sa Kamara.

Layunin ng TRAMM na tugunan ang hindi balanse at mga isyung dala ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law at Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises o CREATE Law.


Ayon kay ACT Teachers PL Rep. France Castro, kung tutuusin ay maliit lamang ang dalang benepisyo ng dalawang batas sa mga mahihirap at mga nasa middle class.

Sa ilalim ng House Bill, itinakda sa 20% ang maximum personal income tax rate para sa mga individual citizen, at may exemption mula sa buwis ang unang ₱400,000 ng kanilang income.

Ang exemptions na ito ay hindi lamang magiging limitado sa mga anak, kundi pati sa senior citizens at persons with disabilities.

Ang “cap” para sa tax-free na mga bonus ay itataas sa ₱150,000, mula sa kasalukuyang ₱90,000.

Naniniwala ang Makabayan na kapag binabaan ang income tax rates ng mga pamilyang ito, kahit papaano ay giginhawa ang kanilang buhay at mapapalakas pa ang “purchasing power” na makakatulong naman sa ekonomiya ng bansa.

Facebook Comments