Pagpapababa sa presyo ng mas maraming gamot, isinulong ng 2 senador

Manila, Philippines – Sa pamamagitan ng privilege speech ay nanawagan si Senator Risa Hontiveros sa Malakanyang para gamitin ang kapangyarihan nito na magtakda ng mababang presyo ng gamot sa ilalim ng Cheaper Medicines Act of 2008.

Ibinabala ni Hontiveros ang nakaambang health crisis kung hindi maaaksyunan ang napakataas na presyo ng gamot sa Pilipinas kumpara sa international reference prices o IRP.

Ayon kay Hontiveros, mismong data ng Department of Health o DOH ang nagsasabing hindi kayang abutin ng mayorya ng mga Pilipino ang napakataas na presyo ng gamot sa bansa.


Umaasa si Hontiveros na madadagdagan pa sinasaklaw ng maximum drug retail prices o MDRP na 120 mga gamot sa diabetes, hypertension, heart disease, lung disease at neonatal disease at cancer.

Nagpahayag naman ng buong suporta si Committee on Health and Demography Chairman Senator Christopher Bong Go.

Pangako pa ni Go, personal niyang kakausapin si Pangulong Rodrigo Duterte para hilingin na madagdagan ang mga gamot na sakop ng MDRP at agad ipatupad ang  bawas sa presyo.

Facebook Comments