Pagpapabakuna sa mga pharmacy, posibleng may bayad

Posibleng maningil pa rin ng bayad sa “cost of service” sa mga vaccinee ang mga pharmacy o botika na ita-tap o gagamiting vaccination sites para mas mapalawak ang vaccination program ng pamahalaan.

Sa briefing ng House Committee on Health na pinamumunuan ni Quezon Rep. Angelina “Helen” Tan, sinabi ni Health Undersecretary at National Vaccination Operations Center (NVOC) Chairperson Myrna Cabotaje na sisimulan na ang rollout ng vaccination program sa mga botika sa Enero 20.

Magkagayunman, hindi pa masabing libre ang bakunahan sa pharmacies dahil pinag-aaralan pa aniya ng ahensya ang administration fee na sisingilin sa mga pasyente o vaccinees.


Paliwanag ni Cabotaje, wala naman aniyang pinagkaiba ito sa mga private sector na binibigay nila ng libre ang bakuna ngunit may maliit na halagang babayaran para sa administration cost.

Kung hindi naman gugustuhin ng isang pasyente magpabakuna sa mga botika dahil sa may minimal cost pa na babayaran ay maaari namang sa mga Local Government Unit na magpaturok ng COVID-19 vaccine at ito ay libre.

Maaari aniyang sa umpisa o sa maikling panahon ay hindi muna maningil ang pharmacies ng administration charges ngunit sa katagalan ay posibleng mahirapan na rin ang mga botika dahil kailangan ding bayaran ang mga vaccinator na may hiwalay at regular na trabaho rin bilang mga pharmacy personnel.

Facebook Comments