Tinawag ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na isang death march ang desisyon ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez na pabalikin na sa trabaho ang mga manggagawa sa mga lugar na nasa ilalim na ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
Ayon kay KMU Chairperson Elmer Labog, nailagay sa peligro ang kaligtasan ng mga manggagawa dahil wala namang masakyang transport system.
May ilang manggagawa na galing sa Rizal ang naglakad na lamang papunta sa kanilang trabaho sa Quezon City dahil walang masakyan.
Batay sa pagtaya ng DTI, nasa 80% ng mangagawa sa Metro Manila ay balik-trabaho na ngayong araw.
Ayon sa grupo, bago sana nagbaba ng pasiya ang DTI ay dapat munang siniguro sa mga bubuksang industriya at kumpanya na sila ang bahala sa masasakyan ng kanilang mga manggagawa.
Iginiit ng KMU na kung mapilit ang gobyerno, kailangan nitong buksan ang public transport system na umaalinsunod sa health and safety measures ng Department of Health (DOH).
Pinuna ni Labog ang pahayag ni Lopez na hindi pwedeng idahilan ng mga manggagawa ang kawalan ng masakyan kung nais nilang mapanatili ang kanilang trabaho.
Ipinaalala ni Labog na sa ilalim ng Section 6 of Republic Act No. 11058 o ang “An Act Strengthening Compliance with Occupational Safety and Health Standards,” ang mga mangagawa ay maaring tumanggi na bumalik sa trabaho kung ang kondisyon ay peligroso katulad ng pagkakaroon ng pandemya.